Eyeball Part 2
16.04.2011
Magaan agad ang loob ko kay Mark.
Siguro dahil may itsura siya, ewan ko. Mababaw talaga ako eh.
Halata kong nahihiya siya sa akin, pero pilit niyang tinatago.
"Tell me about your boyfriend," sabi ko.
Napataas ang kilay niya, "Si Brian? Ayun. Mahal ko. Mahal na mahal."
Napamaang ako. Walang halong bitterness or sarcasm ang mga salita niya.
Napansin niya ang reaksiyon ko.
Natawa siya, "Totoo, mahal ko yun. Even after knowing what he did, hindi mabura eh."
Sinimulan na niya ang istorya ng buhay nila.
"We met during training sa isang call center. Hindi ko naman siya napansin agad noon eh. Siya yung nagpapapansin sa akin. I guess may pagka-suplado ang dating ko kaya di ko masyado naging ka-close noon yung mga ka-batch mates ko, pero si Brian, dikit ng dikit sa akin. Saka ko lang siguro na-realize na may itsura pala yung mokong na yun."
"Hindi ako pala-kaibigan na tao, pero kay Brian, nag-open up ako."
"Tapos, after shift, lagi kaming sabay umuwi. Aayain niya muna akong gumala sa mall or manood ng sine. Natutuwa naman ako sobra sa atensiyon kaya sumasama ako. Plus, masarap talaga siya kausap."
"Kinakausap ko pa nga sarili ko noon eh, kasi mukha siyang player. Sabi ko sa sarili ko na huwag masyadong mahulog ang loob sa kaniya kasi masasaktan lang ako. Takot ba. Pero di ko pa rin mapigilan maging close sa kaniya."
"Minsan, during lunch, sinabi niya sa akin na may dala siyang pagkain para sa akin. Sabay na raw kami kumain. Siya daw ang nagluto for me. Na-touch naman ako."
"Tinanong ko siya, nanliligaw ka ba sa akin?"
"Sabi niya, ano sa tingin mo?"
"Hindi kakaiba ang panliligaw ni Brian sa akin. Gaya rin ng sa iba, I guess. Pero siyempre, lahat tayo, feeling natin ang lovestory natin, mas special. Ganun naman talaga eh. That night, pinagluto niya ako ng dinner sa apartment niya. May candlelight pa. Tapos, nagulat ako kasi may mga ibang bisita. Isang babae, isang lalaki. Yun pala, mga barkada niya. Humingi siya ng pabor sa kanila. Singer yung babae, gitarista yung lalaki. Kinakantahan nila kami habang nagdidinner. Corny pero, alam mo na. Kilig pa rin, siyempre."
"Tapos ayun, nahulog na yung loob ko sa kaniya. Sweet talaga eh. Dinaan ako sa karinyo. Hindi naman kasi ako nagkaroon ng matinong relasyon before him kaya siguro sobrang na-fall ako sa kaniya. Naging kami. Mahal niya ako, mahal ko siya. Ganun ka-simple. Sabi ko sa kaniya, kung sakaling mawalan na siya ng love para sa akin, sabihin na agad niya ng maaga sa akin. Kasi ayaw kong magmukhang tanga. At pag niloko niya ako, at nalaman ko, uupakan ko siya. Never daw, sagot niya."
Tumango ako.
"About three months after maging kami, napansin ko na lagi siyang balisa. Parang di matahimik. Inisip ko, siguro may ginagawang kalokohan siya. Baka may third party. Hindi na rin ako bigla matahimik. Feeling ko mababaliw ako pag nalaman kong may iba siya. So one night, I confronted him."
"I asked him outright, do you still love me?"
"Umiyak siya bigla. Hagulgol. Yumakap sa akin. Nanlamig yung buong katawan ko. Sa isip ko, putangina meron siyang iba. Niloko niya ako. Pero hindi pala yun. Ngayon, naiisip ko, sana ganun na lang. Sana third party na lang pala yung problema niya."
"I love you, sabi niya. So bakit ka umiiyak? tanong ko sa kaniya. Naiiyak na rin ako. Hinihintay kong sabihin niya na may nangyari with someone else. Na may iba na siyang mahal. Lamig na lamig yung katawan ko noon. Nangingig. Gusto kong marinig ang totoo na parang ayaw."
"Walang iba, Mark, wala promise, sabi niya, umiiyak pa rin."
"Eh bakit ka nga umiiyak? Putangina tinatakot mo naman ako eh."
"Tapos sinabi niya. Sinabi niya sa akin ang dahilan kung bakit siya umiiyak. Kung bakit takot na takot siyang sabihin sa akin ang totoo."
"Naisip ko bigla, sana may third party na lang pala."
Tumigil si Mark sa pag-kwento. Nakatungo siya.
Umiiyak siya ng tahimik, ayaw magpahalata sa mga ibang tao sa paligid.
At the time, dumami na ang mga umiinom sa Mogwai. Gabi na. Lumalakas pa ang hangin kaya malamig.
Nanginginig na rin ako, actually. Hindi ko alam kung dahil sa lamig o dahil sa kwento ni Mark.
Inabutan ko ng tissue si Mark.
Nagpahid siya ng mata, "Para akong tanga, ano?"
Umiling ako. Di makapagsalita. Kasi alam ko kung ano ang sinabi sa kaniya ni Brian. Sinabi na sa akin ni Mark sa email niya sa akin.
Ang dahilan kung bakit ninais kong makipagkita sa kaniya.
You see, dear readers, may AIDS si Brian.
To be continued...
Posted by callboi 14:04 Archived in Philippines
How sad naman. =(
by pukersha titichi